Manila, Philippines – Posible pa umanong ma-extend ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilalim ng Federalism.
Ayon kay Senate President Koko Pimentel, ito ay kung talagang kailangan, kung handa ang Pangulo at kung magiging bahagi ito ng Saligang Batas na tanggap ng bayan.
Paliwanag ni Pimentel, nakadepende ito sa magiging transitory provisions ng bagong Saligang Batas na siyang magtatakda ng bagong porma ng pamahalaan.
Dagdag pa niya, depende rin ito kung kailan maaamyendahan ang konsttitusyon dahil kung maipapasa ito sa taong 2019 ay magiging transitory period ang susunod na tatlong taon.
Tinawag naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na ‘immoral proposition’ ang balak na pagpapalawig ng termino ng Pangulo.
Aniya, baka ito pa raw ang dahilan kung bakit gustong-gusto na nilang lakarin ang Federalism sa bansa.
Pero sagot ng Malakanyang, kung ang tatanungin ay ang Pangulo, mas gugustuhin pa umano nitong paiklian ang kanyang termino kaysa pahabain pa ito.