Kasabay ng ikatlong anibersaryo ng Marawi Seige ay ibinabala ni Senador Imee Marcos ang posibleng muling sumiklab ang panibagong insidente ng terorismo sa naturang lugar.
Ito ay dahil sa pagkabalam ng mga ipinangakong rehabilitasyon ng gobyerno sa Marawi dulot ng krisis at lockdown ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.
Nangangamba si Marcos na samantalahin ng mga teroristang grupo ang pagiging abala ngayon ng militar na bukod sa nagbibigay ng seguridad, ay nagsisilbi din mga frontliner laban sa COVID-19.
Idinagdag ni Marcos na malakas makahikayat ng rebelyon ang mga International terrorist group gaya ng ISIS o Islamic State na napabalitang nagre-recruit ng mga dismayadong batang Muslim kapalit ang malaking buwanang sweldo at tulong sa kanilang pamilya.
Una nang isinulong ni Marcos bilang Chairman ng Senate Committee on Cultural Communities, ang Senate Bill 410 na naglalayong ibigay at patituluhan ang ilang bahagi ng malawak na military reservation para sa mga residente ng Marawi na nawalan ng bahay at kabuhayan.
Ayon kay Marcos, may kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte na ibigay at patituluhan ang naturang mga lupain at pabilisin ang proseso para matupad ang pangako ng gobyerno na rehabilitasyon ng Marawi.
Layunin din ng Marcos bill na magkaroon ng permanenteng Bangon Marawi Council dahil paulit-ulit nang nabibigo ang kasalukuyang Task Force Bangon Marawi na makatupad sa deadline ng rehabilitasyon sa Marawi.