Malaki na ang ibinaba ng terorismo sa bansa.
Ito ang binigyang diin ni Defense Officer-in-Charge Sec. Carlito Galvez Jr., kasunod nang pagbibigay pasasalamat sa malaking tulong na naiambag ng Australian government kaugnay sa pagbisita sa bansa ni Australian Deputy Prime Minister Richard Marles.
Ayon kay Galvez, noong 2018 laganap ang kidnapping sa bansa lalo na sa Mindanao pero simula 2021 hanggang ngayong taon ay malaki na ang ibinaba nito.
Dahil sa pagbaba ng terorismo, nakatulong ito sa pag-angat ng economic activities sa bansa at pagbawas ng kahirapan.
Kasunod nito, pinasalamatan ni Sec. Galvez si Australian Deputy Prime Minister Marles at sa Australian government dahil sa pagsasanay na ipinagkaloob sa ating mga sundalo sa pamamagitan ng mga joint military exercises.
Sa pamamagitan aniya ng mga pagsasanay na ito lumakas ang kumpiyansa ng ating mga sundalo kasabay nang pagkakaroon nila ng mga makabagong kagamitan dahil sa modernization program.
Sa panig naman ni Marles, sinabi nitong nagkasundo ang Pilipinas at Australia na mas palakasin pa ang kanilang Strategic Partnership na layuning magkaroon ng mas masagana at mas matatag na Indo-Pacific region kasama ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)
Pagkatapos makipagpulong kay Galvez, makikipag pulong din si Deputy Prime Minister Marles kay Vice Pres. Sara Duterte Carpio maging kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.