Manila, Philippines – Hiniling ng Department of Justice (DOJ) sa Manila Regional Trial Court (RTC) na ideklara na bilang isang Terrorist Organization ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Ginawang batayan ni Senior Assistant State Prosecutor Peter Ong sa inihain niyang petisyon ang ang Human Security Act of 2007.
Nakapaloob sa section 17 ng nasabing batas na kinakailangang maghain ng petisyon ang DOJ sa korte bago maipadeklarang terorista ang isang grupo o organisasyon.
Ayon sa DOJ, ang mga pag-atake ng CPP-NPA laban sa mga tropa ng pamahalaan mula April hanggang December 2017 ay sapat nang rason para maideklara sila bilang mga terorista.
Magugunitang noong Disyembre, nagpalabas ng Proclamation Order si Pangulong Rodrigo Duterte na nagdedeklara sa CPP-NPA bilang Terrorist Organization.
Kasunduan ng Kuwait at Pilipinas, hiniling na isapubliko
Manila, Philippines – Ipinasasapubliko ng MAKABAYAN bloc sa Kamara ang inilatag na kasunduan ngayon ng pamahalaan sa Kuwait.
Kasunod ito ng inaayos na bilateral agreement ng Pilipinas at Kuwait para maresolba ang mga kaso ng pangaabuso at pagkamatay ng mga OFWs sa bansa.
Ayon kay Gabriela Rep. Emmi de Jesus, maituturing na pangungutya para sa bansa ang pakikipagnegosasyon sa Kuwait dahil taliwas ito sa nais na ipatupad na deployment ban.
Kaugnay nito ay pinaiimbestigahan din ng MAKABAYAN ang pagkamatay ng Pinay OFW sa Kuwait na si Joanna Demafelis na natagpuang nakasilid sa freezer sa isang apartment.
Inihain ng mga mambabatas ang House Resolution 1708 kung saan inaatasan ang House Committee on Overseas Workers` Affairs na siyasatin ang pagkamatay ni Demafelis.
Tinukoy pa sa resolusyon na sa kabila ng Memorandum of Understanding sa pagitan ng Kuwait at Pilipinas para sa Labor Cooperation na nilagdaan ng dalawang bansa noong 2012, hindi pa rin nito napangalagaan ang mga OFWs laban sa mga pangaabuso.