TESDA, ibabalik sa pangangasiwa ng DOLE

Hiniling ng Department of Labor and Employment (DOLE) na maibalik sa pangangasiwa ng ahensya ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Ayon kay DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, hinihintay na lamang nila ang ilalabas na executive order ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. hinggil dito.

Paliwanag ng kalihim, layon nito na mapahusay ang pagbibigay ng kasanayan sa mga Pilipino at matugunan ang problema sa unemployment at job mismatch.


Dagdag niya, mahalaga rin na maibalik ang close coordination ng dalawang ahensya para maiwasan ang duplication sa paggamit ng pondo.

“Nakita niya [Pangulong Bongbong Marcos] na ang mga growth area of both sectors nandyan pa rin yung manufacturing, agriculture, transport, tourism, construction at tsaka yung IT at business process outsourcing (BPO) sector ‘no. So, gusto namin na makatulong na makapaghanda ang ating mga manggagawa at hindi lumabas yung kadahilanan na kasi mayroong mismatch e,” paliwanag ni Laguesma sa panayam ng DZXL558 RMN Manila.

“So, yan yung direksyon, kaya nakikita ko na napakaganda na magkasama, magkatulong at magkatuwang ang TESDA at bahagi siya ng DOLE sa aming layunin na talagang magkaroon ng available manpower na makakatugon doon sa pangangailangan ng ating industriya,” dagdag niya.

Bukod dito, bumalangkas din ang DOLE, katuwang ang TESDA ng training on production na mayroong kasamang employment assistance na layon namang magkaroon ng listahan ng skilled workers ang kada rehiyon na makakatulong sa pagtugon sa mga sakuna o kalamidad.
“Isang pool, na ita-tap ng mga LGU na antimano makakapagbigay ng ayuda, assistance in terms of, eto, ang unang nakita namin na dapat mga kasanayan na may kakulangan, carpentry, plumbing, electric… at tsaka yung may mga kinalaman doon sa mga gagawin habang ikaw ay nagre-rehabilitate,” saad ng kalihim.

“Ipa-pilot muna natin yan sa CAR, Region 1 at Region 2 pero gagawin natin yan sa lahat ng rehiyon. Alam niyo naman, calamity prone ang bansa kailangan may kahandaan tayo at yan ang gustong Makita ng ating Pangulong Bongbong Marcos na sana hindi na tayo parang nagre-react lang, reactive ang ating ginagawang hakbangin, dapat proactive,” aniya pa.

Facebook Comments