Ipinag-utos ni Technical Education and Skills Development Authority o TESDA Secretary Isidro Lapeña na pansamantalang suspendehin ang pagsasagawa ng face-to-face classes sa training centers at competency assessment sa mga lugar na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine o ECQ.
Ayon kay Lapeña, maliban sa Metro Manila, Laguna, Cavite, Bulacan, at Rizal, kasama rin dito ang mga bayan, lungsod, at probinsya na community-wide lockdown.
Hinikayat ni Lapeña ang mga TESDA Technology Institutions at Technical Vocational Institutions na apektado na nasabing kautasan na muling gumamit ng online o virtual system upang maipagpatuloy ang kanilang programa at serbisyo.
Pinaalalahan din niya ang mga tagapamahala ng TESDA Regional at Provincial Offices na mahigpit na ipatupad ang public health and safety protocols laban sa COVID-19 sa kani-kanilang mga opisina.
Matatandaan noong Linggo, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) na isailalaim ang Metro Manila at ang apat na kalapit nitong probinsya sa isang linggong ECQ na nagsimula noong Lunes hanggang April 4, Easter Sunday.