TESDA TRAINING ASSESSOR, NATAGPUANG PATAY SA LUNGSOD NG DAGUPAN

Natagpuang wala nang buhay ang isang TESDA training assessor sa Dagupan City sa tahanan nito sa isang unit sa Brgy. Bonuan Gueset sa nasabing lungsod.
Nakilala ang biktima na si Lizandra Mamaril, 57-anyos.
Sa naging panayam ng IFM Dagupan sa imbestigador ng pangyayari na si PSMS Alexander Roldan ay inireport umano sa PNP Dagupan ng asawa ng biktima na si Eusebio Mamaril, 60-anyos, isang dental professor sa isang unibersidad sa lungsod na natagpuan nito ang kanyang asawa pasado alas 10 ng gabi nito lamang ika-11 ng Enero, na wala nang buhay.

Sa inisyal na imbestigasyon ng awtoridad sa tahanan ng mag-asawa, ay nakita na hubad, may nakatakip na umanong unan sa mukha, mayroong ding sugat sa bahagi ng kanyang pulso at mayroong ding dugo sa ulo nito.
Ayon pa sa imbestigador, wala naman umanong nakikitang puwersahang pinasok ang tahanan kung saan bukod sa cellphone ay wala nang iba pang gamit na nawawala.
Sumailalim na sa iba’t ibang eksaminasyon ang biktima upang malaman ang dahilan ng pagpanaw nito.
Nagpapatuloy pa sa pangangalap ng impormasyon ang pulisya gaya na lamang kung mayroong CCTV sa lugar at sa mga taong malapit sa lugar.
Sa ngayon, closely monitored na ang mga taong nakapaligid sa lugar ng insidente at mayroon na rin umanong person of interest ang pulisya.
Samantala, sa nakalap na impormasyon ng IFM Dagupan sa TESDA Pangasinan, ikinalungkot ng pamunuan ng ahensya ang pagpanaw ni Lizandra Mamaril na isa umanong magaling na trainor assessor kahit on-call lamang ito, sampung taon na rin ito sa serbisyo at masayahin.
Hustisya ngayon ang sigaw ng mga ito sa naging pangyayari. |ifmnews 
Facebook Comments