Test kits na na-develop ng UP, handa na para sa commercial use ayon sa DOH

Inaprubahan na ng Department of Health (DOH) para sa commercial use ang COVID-19 test kit na na-develop ng University of the Philippines (UP).

Ang pag-apruba sa testing kit ay kasunod ng panawagan ng ilang senador na gamitin na ang mga ito para i-diagnose ang COVID-19 symptoms.

Ayon sa DOH, ang GenAmplify version 2, ang Reverse Transcription – Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test kit na gawa sa Pilipinas ay handa na para sa commercial use.


Ang testing kit ay binuo ng team ni Dr. Raul Destura ng UP Philippine Genome Center at pinondohan ng Department of Science and Technology (DOST).

Tulad ng iba pang PCR test, gumagamit ito ng reagent para i-isolate ang genetic material mula sa sample ng pasyente.

Ang kit ay mayroong molecular grade water na nagsisilbing negative control at isang amber-colored fluorescent material na dumidikit sa virus.

Ang manufacturer na Manila Health Tek team ay kailangang makipagtulungan sa isang independent laboratory expert panel para maresolba ang ilang isyu sa GenAmplify version 1.

Ipinagmamalaki ng DOH at DOST ang mga Pilipinong Scientist na ginagamit ang kanilang talento na mapapakinabangan ng mga Pilipino at ng buong sangkatauhan.

Facebook Comments