Testigo sa dumukot sa mga sabungero, pinalulutang ni DILG Secretary Eduardo Año

Hinikayat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang mga testigo sa naganap na pagdukot at pagkawala ng may 31 sabungero na lumutang na at makipagtulungan sa mga otoridad upang hindi sila madamay at maharap sa kaso.

Ayon kay Año, mas madaling mareresolba ang naturang mga kaso sa lalong madaling panahon, kung makikipagtulungan lamang ang mga testigo sa imbestigasyong isinasagawa ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (s).

Una nang sinabi ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na naghain na ang PNP ng reklamong obstruction of justice laban sa management personnel ng mga cockfight arenas dahil sa pagkawala ng mga naturang sabungero.


Sa isinagawa namang Senate hearing ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs, sinabi ng ama ng isa sa mga nawawalang sabungero na ang mga guwardiya umano mismo ng Manila cockfight arena ang kumuha sa kanyang anak.

Inimbitahan ang mga security personnel ng cockfight arena sa pagdinig ng Senado ngunit hindi dumalo ang mga ito.

Umapela rin ang opisyal sa publiko at kung sinuman ang mayroong nalalamang impormasyon hinggil sa isyu na lumutang na at tumulong sa mga otoridad sa pagresolba ng kaso upang hindi sila madamay.

Facebook Comments