Testigo sa sindikatong nasa likod ng umano’y overpriced na medical supplies, posibleng lumutang sa pagdinig ng Senado

Posibleng may lumutang na testigo ukol sa umano’y sindikatong nasa likod ng pagbili ng pamahalaan sa hinihinalang overpriced na face mask at iba pang medical supplies na pangproteksyon laban sa COVID-19.

Ayon kay Sen. Ping Lacson, maaaring humarap ang nabanggit na testigo sa pagpapatuloy ng pagdinig bukas ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa kontrobersiyal na paggastos sa pondong pantugon sa pandemya.

Hindi pa nakakausap ni Lacson ang testigo pero nagpaabot na daw ito ng intensyon na makipagtulungan sa imbestigasyon ng Senado.


Inaasahang ilalantad ng testigo ang sinasabing kaugnayan ng ilang opisyal ng procurement service ng Department of Budget and Management (DBM) at Department of Health (DOH) sa Pharmally Pharmaceutical Corporations na binilhan ng umano’y overpriced na pandemic supplies.

Bukod dito ay aantabayanan din sa hearing ang ilalatag ni Lacson na timeline na susuporta dito.

Sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na pinlano ang pandarambong sa pera ng bayan na nakalaan pantugon sa pandemya.

Binanggit pa ni Lacson na hindi maiwasang paghinalaan ang tangkang pagtatakip sa naturang katiwalian, dahil sa paggiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na itigil ng Senado ang pagdinig ukol sa isyu.

Facebook Comments