Testimonya sa quad committee hearing ng dating OIC ng Davao Prison and Penal Farm, nagdiin kay dating PCSO General Manager Royina Garma sa pagpaslang sa tatlong Chinese drug lords

COURTESY: House of Representatives of the Philippines

Humarap ang officer-in-charge ng Davao Prison and Penal Farm na si noo’y Superintendent Gerardo Padilla sa ikaapat na pagdinig ngayong araw ng quad committee na binuo ng Kamara.

Sa kaniyang sinumpaang salaysay ay idiniin ni Padilla si dating PCSO General Manager Royina Garma sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lords sa loob ng Davao Prison and Penal Farm noong 2016.

Ayon kay Padilla, si Garma na noon ay miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG ay nakausap nya sa pamamagitan ng telepono ng inmate na si Jimmy Fortaleza.


Sinabi umano sa kanya ni Garma na may ipapasok silang tauhan sa selda ng mga Chinese upang patayin ang mga ito.

Sabi ni Padilla, nagbanta si Garma na huwag siyang makialam, huwag kuwestyunin ang operasyon at makipagtulungan na lang dahil kung hindi ay mananagot siya at madadamay ang kaniyang pamilya.

Ayon kay Surigao del Sur Representative Johnny Pimentel, tugma ang salaysay ni Padilla sa mga inihayag ng mga testigong sina Leopoldo Tan Jr. at Fernando “Andy” Magdadaro kaugnay sa ginawa nilang pagpaslang sa tatlong Chinese drug lords.

Facebook Comments