TESTING | Bagong imbensyong Pilipino na makatutulong na solusyonan at gawing Euro-4 compliant ang ‘surplus’ na diesel engine ng mga jeep, sumailalim sa testing sa LTO

Manila, Philippines – Sinubukan nang gamitin sa Land Transportation Office
ang isang imbensyong Pilipino na makatutulong na solusyonan at gawing
Euro-4 compliant ang ‘surplus’ na diesel engine ng mga jeep.

Ito ay upang sila ay payagan pang maka-biyahe sa ilalim ng tatlong taong
transition period ng PUJ Modernization Program ng gobyerno.

Ayon kay Liga ng Transportasyon at Organisasyon sa Pilipinas President Lando’
Marquez, nagkakahalaga ng P18,000 ang kada unit ng nabanggit na aparato na
ikinakabit sa makina.


Dumaan aniya ito sa limang taong pagsusuri at ebalwasyon ng DENR at
Department of Science and Technology.

Nabigyan ito ng sertipikasyon na kayang pababain ang pollutants mula sa
ibinubugang usok ng hindi pumasang PUJ.

Nakatutulong din ito para makatipid ng konsumo sa diesel.

Nanawagan si Ka Lando sa gobyerno na tulungan silang mailapit ang imbensyon
sa mga operators ng jeep upang makumbinsi sila at makatulong na rin sa
modernization program ng transport sector.

Sa ngayon ayon sa LTOP ay nasa animnaraang-libo na ng jeepney units ang
nakabitan ng tinatawag na nuvitron device.

Pero isa lamang ito sa 5-point road worthiness test ng Transportation
Department sa mahigpit na pamantayan sa pagkuha ng prangkisa ng PUJ dahil
kailangan pa ring isailalim ang mga ito sa smoke emission test at iba pang
pagsusuri gaya ng maayos na kondisyon sa electrical system, gulong at dapat
nakarehistro at may insurance coverage.

Facebook Comments