Ibinaba na muna ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa 400 samples ang kanilang nasusuri kada araw, base sa zoning ng mga laboratoryo.
Mula ito sa dating 1,500 samples na nagagawang masuri ng tanggapan, noong unang dalawang taon ng COVID-19 pandemic sa bansa.
Ito, ayon kay RITM Laboratory Chief Dr. Amado Tandoc III ay dahil marami na rin ang mga laboratoryo sa buong bansa na mayroong kakayahang magsagawa ng COVID test.
Sa ganitong paraan, matututukan din nila ang iba pang serbisyo o aktbidad ng kanilang hanay, tulad ng pag-e-evaluate ng COVID test kits, training sa mga laboratoryo, research, at iba pa.
Aminado ang opisyal na nakakaapekto rin sa kanilang operasyon ang tumataas na bilang ng COVID-19 cases, kung saan maging ang kanilang mga empleyado ay nag-a-isolate o naka-quarantine rin.
Dahil dito, nililimitahan din muna nila ang bilang ng mga pasyenteng maaaring tumungo sa kanilang tanggapan at nagpapatupad sila ng online appointment.