Aminado ang National Telecommunications Commission (NTC) na mahirap tukuyin ang mga nasa likod ng text scam na gumagamit ng mga prepaid sim.
Ayon kay NTC Spokesperson Edgardo Cabarios, halos lahat ng scam messages ay nanggagaling sa mga sim card na nabibili lang sa tindahan.
Hindi kasi aniya rehistrado ang mga ito kung kaya’t nahihirapan ang mga awtoridad na mahuli ang mga sangkot sa modus.
Naniniwala rin si Cabarios na posible ring source o pinagmulan ng data breach ang mga form na sinasagutan ng mga tao kagaya ng contact tracing form noong kasagsagan ng pandemya.
Una nang inatasan ng NTC ang mga telecommunication company na i-block ang mga URL link at QR code na nakalagay sa scam messages.
Inutusan din nito ang mga telco na araw-arawin ang pagbibigay ng babala sa mga mobile users hinggil sa text scam.