Marami pang aktibong unregistered SIM cards kaya hindi pa tuluyang humihinto ang mga text scam.
Ito ang paliwanag ni Department of Information and Communications Technology o DICT Undersecretary Anna Mae Lamentillo sa Laging Handa public briefing.
Aniya, inaasahan nilang matitigil ito kapag na-deactivate na ang mga hindi rehistradong SIM cards matapos ang April 26 deadline, kung hindi mae-extend.
Kasama rito ang mga SIM na ginamit sa mga iligal na gawain o krimen.
Ngunit ayon kay Lamentillo, sa kasalukuyan ay mayroon ng drastic reductions o malaki na ang nabawas sa text scam messages dahil sa nagpapatuloy na SIM card registrations.
Sinabi pa ng opisyal, na sa kabila na mayroong mahigit 169 million SIM subscribers, matutukoy sa pagtatapos ng SIM card registration kung ilan talaga ang lehitimong mga numero.