Text spoofing sa halalan, ikinabahala ng Comelec

Nababahala ang Commission on Elections (Comelec) sa text spoofing na maaaring magamit laban sa mga kandidato sa May 2025 elections.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, limitado ang kakayahan ng kanilang tanggapan para malabanan ang text spoofing na kadalasang ginagamit laban sa isang kandidato.

Dahil dito, nakatakdang makipagkasundo ang Comelec sa National Telecommunications Commission (NTC) para labanan ang text spoofing na may kinalaman sa papalapit na halalan.


Giit ni Garcia, kakailanganin ng Comelec ang tulong ng NTC upang mapigilan ang ganitong uri ng panloloko.

Ang text o SMS spoofing ay isang paraan na ginagamit ng mga cybercriminal upang linlangin ang mga tao na ang isang SMS message ay lehitimo.

Facebook Comments