Manila, Philippines – Umaasa ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ituturing ang shake drill na gagawin ngayong linggo bilang oportunidad para paghusayin ang paghahanda sa “The Big One” at ituring na hindi isang palabas or scripted lamang ang pagsasanay.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia kakaiba ang gagawing shake drill ngayon dahil hindi isasapubliko ang eksaktong araw o petsa ng ika-apat na pagsasanay.
Sinabi ni Garcia na alas tres ng hapon, anumang araw ngayong linggo isasakatuparan ang drill.
Paliwanag nito walang nakakaalam ni isa sa atin kung kailan tatama ang malakas na lindo kung kaya at mahalaga ang kahandaan.
Panawagan ni Garcia, na makilahok ang lahat kahit nasaan at ano man ang ginagawa.
Mag-tetext blast ang telecommunication companies sa kanilang mga subscribers limang minute bago maganap ang drill.
Tutunog din ang sirena ng mga ambulansya, public address systems ng mga building, simbahan at iba pa sa oras ng drill.
Habang ang mga istasyon ng radyo naman ay aabubisuhan din ang publiko at magpapatunog ng alarm.
Hudyat din aniya ito para sa lahat na mag-drop, cover and hold at praktisin na ang kanilang sari-sariling evacuation plans.
Ang mga ahensya ng gobyerno, kasama ng mga myembro ng Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC), ay hinihikayat din na isagawa ang kanilang contingency plans.
Ang MMDA ay isasagawa rin ang Oplan Metro Yakal Plus, contingency plan ng ahensya kung sakaling maganap ang 7.2 magnitude na lindol.
Walang personnel o equipment na i-poposisyon sa mga emergency operation centers at evacuation camps sa apat na quadrants sa Metro Manila.