Pinapaimbestigahan ni Ways and Means Chairman Senator Sherwin Gatchalian sa Senate Blue Ribbon Committee ang ginawang pagkuha ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ng kwestyunable at hindi kwalipikadong third-party auditor para sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Matatandaang sa ginawang imbestigasyon ng Ways and Means Committee, ang third-party auditor sa mga POGO na Global ComRCI Consortium na kinuha ng PAGCOR ay natuklasang gumamit ng mga pekeng dokumento para makuha ang 10-year contract na nagkakahalaga ng mahigit P5.5 billion.
Sa pagdinig ng komite ay nagsumite ng bank certificate ang Global ComRCI mula sa bangkong hindi rehistrado ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at hindi rin nag-o-operate sa bansa.
Bukod dito, hindi rin totoo ang address ng opisina ng third-party auditor at hindi rin rehistrado sa Makati LGU ang kompanya.
Giit ni Gatchalian na kung hindi kwalipikado ang kinuhang third-party auditor ng PAGCOR ay posibleng mali ang nasisingil na buwis ng gobyerno mula sa mga POGO.
Dahil dito, hiniling ni Gatchalian na paimbestigahan sa Blue Ribbon Committee ang third-party auditor ng mga POGO at siguruhing mapapanagot at masasampahan ng kasong administratibo at kriminal ang mga mapapatunayang nasa likod ng nasabing iregularidad.