
Iminungkahi ni Senator Migz Zubiri ang pagbuo ng isang third party group na mag-iimbestiga sa lifestyle check na isasagawa sa mga opisyal ng gobyerno.
Para kay Zubiri, mas makabubuti kung magkakaroon ng Anti-Corruption Body o Authority na bubuuhin ng Ombudsman, Commission on Audit (COA) at Bureau of Internal Revenue (BIR) na sisilip sa lifestyle check ng mga government official.
Ang grupong ito ang susuri rin sa Statements of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ng mga opisyal bilang bahagi ng ikakasang lifestyle check.
Naniniwala si Zubiri na hindi tamang ang Kongreso pa ang mangunguna na mag-imbestiga sa isasagawang lifestyle check dahil batid naman na may ilan na sangkot sa ghost projects.
Hindi aniya dapat maging limitado ang lifestyle check kundi gawin ito sa lahat ng itinalaga at mga halal na opisyal.









