Isinara na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ngayong araw ang third regular session ng 18th Congress.
Pinangunahan ni Speaker Lord Alan Velasco ang pagtatapos ng sesyon kung saan pinagtibay ang House Concurrent Resolution 28 para sa pormal na pagsasara ng ika-18 na Kongreso.
Kaugnay rito ay itinalaga rin ang lahat ng mga deputy speaker bilang miyembro ng Joint Committee na siyang magpapaabot ng impormasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa pagsasara ng Kongreso.
Bago rin magsara ang Kongreso ay ini-adopt din ang House Resolution 2603 kung saan kinilala naman ang dedikasyon, commitment, at achievements ng liderato ng Kamara, gayundin ang iba pang mga lider, mga miyembro, at staff ng Mababang Kapulungan.
Ilan sa mga matagumpay na nagawa ng Kamara ay ang mabilis na pagpapatibay sa 2022 national budget at ang mga batas kaugnay sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Agad namang sinundan ito ng seremonya para sa pagtatapos ng mga kongresista na nakakumpleto ng tatlong magkakasunod na termino.
Aabot sa mahigit 50 kongresista ang kinilala ngayon sa “Pagpupugay sa mga Kinatawan” na ginawaran ng “Congressional Medal of Distinction.”