Matapos magdeklara ng measles outbreak sa Metro Manila posibleng isunod na ang Central Luzon at Calabarzon.
Ito ang babala ni Health Secretary Francisco Duque III sa harap ng pagtaas ng mga naitatalang kaso ng tigdas sa mga nasabing rehiyon.
Sa datos ng ahensya, mula January 1 hanggang 19 ngayong taon, umabot na sa 169 ang tinamaan ng tigdas sa Metro Manila.
Mas mataas ito ng 745% kumpara sa mga nagka-tigdas sa kaparehong panahon noong 2018 na nasa 20 lang.
Habang sa Calabarzon, 329 na kaso ng tigdas ang naitala mula January 1 hanggang 19, 2019 at 185 sa Central Luzon.
Kung susumahin, 984 na kaso ng tigdas na naitala sa buong bansa na mas mataas kumpara sa 680 cases sa kaparehong panahon noong 2018.
Sa kabuuang bilang, 27 na ang nasawi at pinakamarami ay mula sa NCR na nasa 16.
Isinisi naman ni DOH Secretary Francisco Duque III sa Dengvaxia scare ang pagtaas ng kaso ng tigdas.
Kaya apela ng DOH sa mga magulang, huwag matakot na pabakunahan ang kanilang mga anak.