Tigdas outbreak sa isang barangay sa Taguig City, kinumpirma ng DOH

Manila, Philippines Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na may measles o tigdas outbreak sa isang barangay sa Taguig City.

Bagaman pito pa lang ang naitatalang kaso, sinabi ni Health Usec Eric Domingo na idineklara ang outbreak dahil dapat ay wala ng nakakaroon ng tigdas sa panahon ngayon.

Ang tigdas ay isang nakahahawang sakit na maaaring magdulot ng kamatayan o pagkabulag ng mata kapag napabayaan.


Ilan sa mga sintomas nito ay tuloy-tuloy na lagnat, rashes at pamumula ng mata.

Aminado naman si Domingo na bumama ang immunization coverage laban sa tigdas at posibleng may kinalaman dito ang isyu sa Dengvaxia vaccine.

Sa pahayag naman ng lokal na pamahalaan ng taguig, sinabi nilang mayroon na silang mga hakbang para protektahan ang kanilang mga residente laban sa tigdas.

Nagbabahay-bahay na rin anila ang mga health worker sa mga barangay ng lungsod para bakunahan ng anti-measles ang mga batang anim na buwan hanggang limang taon gulang.

Hinimok rin nila ang publiko na magpabakuna ng panlaban sa tigdas.

Paalala naman ng mga doktor kapag nabakunahan, nasa 10 hanggang 12 araw bago ito umepekto kaya mainam na lumayo muna sa mga lugar na may mga kaso ng tigdas.

Facebook Comments