Manila, Philippines – Pinatitigil na ni Pangulong Rodrigo Duterte at agad na pinaaalis ang lahat ng marine explorations at research ng mga dayuhan sa Philippine Rise o Benham Rise.
Ito ang kinumpirma sa interview ng RMN ni Department of Agriculture Secretary Manny Piñol kasunod ng naganap na cabinet meeting kagabi.
Ayon kay Piñol, inatasan aniya ng Pangulong Duterte ang Philippine Navy na bawalan ang mga dayuhan na may aktibidad, nangingisda man o nagsasagawa ng research sa labing milyong hectare na Benham Rise.
Sa interview ng RMN, inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang desisyon aniya ng Pangulo ay kasunod ng pahayag ng isang diplomat mula sa bansa na hindi sa Pilipinas ang Philippine Rise.
Ang Philippine Rise ay idineklara ng United Nations na bahagi ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas, pero pinayagan ang mga bansang Amerika, Japan, South Korea at China na pag-aralan ito kasama ang mga eksperto sa bansa.