Manila, Philippines – Nagsasagawa ng prayer rally ang mga tauhan ng Airline Cargo Handling Service Provider na MIASCOR, ngayong hapon, ito ay kasunod ng derektiba ng Malacañang na patigilin na ang operasyon nito dahil sa sunod-sunod na insidente ng nakawan sa bagahe ng mga pasahero.
Ayon kay Carla Martinez, Information Officer ng MIASCOR, sabay-sabay na isinasagawa ang prayer rally ngayong alas dos ng hapon sa mga airport sa bansa tulad ng MIASCOR Cargo Center sa NAIA, Cebu, Davao, Kalibo at Clark, Pampanga.
Aniya, tinatayang nasa 4 na libong manggagawa nila ang nakikilahok sa nasabing interfaith prayer rally.
Matatandaang nitong Enero ng opisyal na sumulat si MIAA General Manager Ed Monreal sa MIASCOR, kaugnay sa termination ng kanilang operasyon, at binigyan na lamang sila ng 60 araw.
Una na ring sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na wala ng dapat pang iapela ng MIASCOR, dahil patapos na rin naman talaga ang kontrata nito sa Manila International Airport Authority.