Manila, Philippines – Hindi apektado ang biyahe ng mga pampasaherong jeep sa inilunsad na kilos protesta ng transport group na PISTON at No To Jeepney Phaseout Coalition ngayong araw.
Ito ang inihayag ni LTFRB Board Member Atty. Aileen Lizada, nangako ang iba’t-ibang transport leaders sa bansa na hindi sila sasama sa pagkilos ng grupo ni George San Mateo at maaasahan ang tuluy-tuloy nilang serbisyo sa mga mananakay.
Kabilang sa mga grupong ito ang FEJODAP ni Zeny Maranan, ACTO ni Efren de Luna at ALTODAP ni Boy Vargas.
Kapwa nagpahayag rin ng ‘di pagsuporta sa PISTON si Jun Magno ang taga-pangulo ng grupong Stop and Go Transport Coalition at Obet Martin ng Pasang Masda.
Ganap na alas-10:00 ngayong umaga, isang pagkilos ang muling pasisimunuan ng PISTON at kaalyadong grupo upang patuloy na kondenahin ang PUJ modernization program ng gobyerno at maging ang sinasabing epekto ng TRAIN law sa walang prenong oil price hike na anila ay sobrang apektado na ang mga tsuper at operator ng pampublikong transportasyon.
Mula East Avenue sa panulukan ng NIA Road sa Quezon City ay sabayan silang magma-martsa at mangangalampag sa punong tanggapan ng LTFRB.