Tigil Pasada | LTFRB, kumasa sa itinakdang 2 araw na transport strike ng PISTON

Manila, Philippines – Tinapatan ng LTFRB ang dalawang araw na ikinasang transport strike ng grupong PISTON sa oktubre a-16 hanggang a-17 ngayong taon.

Ayon kay spokesperson at board member atty. Aileen Lizada, naglatag na ang LTFRB ng Jeepney Quick Reaction Team bilang paghahanda sa tigil pasada ng militanteng jeepney operators at mga tsuper.

Aniya, naka-prepositioned na ang may 70 private buses bukod pa ang ilang government vehicles para sa libreng sakay sa mga mai-stranded na pasahero.


Una nang inihayag ni PISTON National President George San Mateo na ang lahat ng kanilang miyembro sa buong bansa ay sasama sa kanilang transport strike sa susunod na linggo.

Ito ay dahil sa impormasyong kanilang natanggap na minamadali na ni Pangulong Duterte ang implementasyon ng PUJ Phase Out Program na ang makikinabang lamang ay ang mga matalik na kaibigang negosyante na gustong i-monopolya ang auto industry.

Sinabi pa ni San Mateo na ang planong jeepney phase out ay ipatutupad na sa January 2018.

Facebook Comments