Manila, Philippines – Nagpahayag na ng hindi pagsang-ayon ang grupong Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas o LTOP na hindi sila lalahok sa gagawing kilos protesta ng grupong PISTON sa dalawang araw na malawakang tigil pasada sa December 4 & 5 sa Lunes at Martes.
Ayon kay LTOP President Rolando Marquez, hindi nauunauwaan ni PISTON National President George San Mateo ang kanilang ipinaglalaban dahil hindi naman talaga siya tunay na operator ng jeep.
Paliwanag ni Marquez, napapanahon na umano na makikipagsabayan tayo sa mga mauunlad na bansa tulad ng Europa, Japan at Amerika kung saan gumagamit na sila ng euro 4 at solar at electric vehicles na bukod sa makatitipid ang gumagamit nito ay maka-kalikasan pa ito.
Giit ni Marquez, ang modernisasyon ng Public Utility Jeep ay hindi nangahulugan umano na tuluyan ng tanggalin ang pampublikong jeep sa bansa bagkus lalo itong pinagaganda alinsunod sa pangangailangan ng publiko na hindi naman nasasakripisyo ang kalusugan ng bawat Pilipino dahil sa polusyong ibinubuga ng maiitim at maruming usok mula sa mga lumang pampasaherong jeep.