
Iginiit ng Malacañang na hindi makakatulong sa bansa ang planong tigil-pasada ng transport group na Manibela mula April 15 hanggang 17, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Tugon ito ng Palasyo sa pahayag ng Manibela na mabagal umano ang aksyon ng pamahalaan sa oil price hike.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, mas lalong magiging pabigat sa publiko ang ganitong hakbang habang ramdam ng buong bansa ang epekto ng mahal na krudo dahil sa tensyon sa Middle East.
Giit ni Castro, mas kailangan aniya ngayon ay pag-uusap at pagtutulungan, hindi paghinto ng pasada.
Dagdag pa ni Castro, bukas ang Pangulo sa hinaing ng lahat ng sektor, lalo na ng mga tsuper at operator, at patuloy umanong pinakikinggan ang kanilang mga panawagan.










