
Hindi ramdam sa ilang pangunahing kalsada sa Maynila ang ikinakasang tigil-pasada ng grupong Manibela.
Marami pa ring pampasaherong jeep ang bumibiyahe kung saan naglaan pa rin ng libreng sakay ang lokal na pamahalaan ng Maynila at Manila Police District (MPD).
Ipakakalat ng Manila Disaster Risk Reduction and Mangement Office (MDRRMO) ang dalawang ten-wheeler truck, isang mobile truck, at pick-up habang isang truck rin at mga mobile patrols mula sa MPD.
Ito’y para umalalay sila sa mga pasahero, partikular sa Blumentritt-Rizal Avenue, Punta, Sta. Ana at Nagtahan, na posibleng maapektuhan ng tigil-pasada dahil ilan sa mga miyembro ng Manibela ay dito ang ruta.
Marami rin mga modern jeep, tricycle, toktok, e-trike at iba pang traditional jeep mula sa ibang asosasyon ang patuloy sa pagbiyahe.
Normal na pagbabantay naman ang ginagawa ng MPD habang maagang idineploy ang mga tauhan ng ManilaTraffic and Parking Bureau para umalalay sa daloy ng trapiko.