Magtatagal pa hanggang Biyernes ang isinasagawang tigil-pasada ng transport group na Manibela na nagpoprotesta sa panghuhuli sa mga unconsolidated na mga tradisyunal na jeep.
Ayon kay Manibela Chairman Mar Valbuena, bukas at hanggang sa mga susunod na araw, may protesta at tigil-pasada ang kanilang mga miyembro sa mga protest center sa iiba’t ibang lugar sa bansa.
Sa Biyernes aniya ay tigil-pasada na lang ang kanilang gagawin.
Humihirit naman ang Manibela na pagbigyan ng pamahalaan ang isang taon na provisional authority sa mga unconsolidated jeepney.
Ito ay upang magamit nila ang panahong ito upang mapa-aprubahan ang prototype jeepney na kanilang inirerekomenda alinsunod sa modernization program.
Sa nagdaang congressional hearing, iminungkahi ng mga kongresista ang pagbibigay ng isang taon na provisional authority sa mga unconsolidated jeepney.
Pero, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), pinagaaralan pa nila ang rekomendasyong ito.