Tigil-pasada ng Manibela sa QC, hindi naramdaman ng riding public

Hindi naramdaman ng riding public ang tigil-pasada na isinagawa ngayong araw ng transport group na Manibela sa Quezon City.

Ito ay dahil sa nai-deploy na libreng sakay na mga bus at e-trike ng QC government para maghatid-sundo sa mga destinasyon ng QCitizens.

Bagama’t sumugod ang grupong Manibela sa harapan ng gusali ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa East Avenue ay hindi naman lumikha ng matagal na pagsikip ng daloy ng trapiko doon dahil maglabas ng kanilang hinaing, dumiretso na sila sa Malacañang para doon ituloy ang pagkilos.


Nagbigay ng libreng sakay ang QC government at nagbigay rin ng libreng sakay ng Quezon City Police District (QCPD) bukod pa sa mga pampasaherong jeep na tumuloy sa pagpasada para umalalay sa mga pasaherong posibleng tamaan ng tigil-pasada.

May 11 e-trike din ang pumwesto sa may PHILCOA para maghatid ng pasahero patungong iba’t ibang destinasyon sa QC.

Mga tauhan mismo ng QC Department of Public Order and Safety (DPOS) ang nagmamaneho sa libreng sakay.

Una nang tiniyak ng LGU na walang dapat ipag-alala ang mga commuter sa QC dahil magpapakalat ito ng libreng sakay sa lungsod.

Wala ring city-wide na suspensyon ng klase sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Quezon City kasunod na rin ng rekomendasyon ng mga kaukulang ahensya ng Quezon City Government, ng DepEd QC Schools Division Office, at QCPD.

Ilan ding driver ng jeep sa QC ang nagsabing hindi sumama sa tigil pasada dahil walang kikitain para sa pamilya kung sasama sa transport strike.

Facebook Comments