Hindi nagawang maparalisa ng transport strike na pinangunahan ng grupong PISTON at MANIBELA ang pampublikong sasakyan sa kalakhang Maynila.
Ito ang report na nakarating sa Kampo Krame sa patuloy na monitoring sa epekto ng una sa tatlong araw na tigil-pasada.
Ayon kay Philippine National Police Public Information Office (PNP PIO) Chief PCol. Jean Fajardo, maraming mga Local Government Unit (LGU) at iba pang ahensya ng gobyerno ang nag-aalok ng libreng sakay.
Bukod dito aniya ay marami ring paaralan ang nagkansela ng face-to-face classes at nagpatupad ng online class ngayong araw.
Batay aniya sa report ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa PNP headquarters, aabot lang sa humigit kumulang 600 mga tsuper ang nakikiisa sa tigil-pasada sa buong Metro Manila.
Sa monitoring ng PNP, hanggang sa ngayon ay walang naitatalang untoward incident at nananatiling mapayapa ang sitwasyon.
Ang naturang tigil-pasada ng grupong PISTON at MANIBELA ay para tutulan ang itinakdang deadline para sa franchise consolidation application ng mga Public Utility Vehicle (PUV) sa Disyembre 31.