BATANGAS – Sinabayan ng matinding pagkidlat ang pagbuga ng abo ng Bulkang Taal nitong Linggo, Enero 12.
Sa mga video at litratong viral ngayon sa social media, kitang-kita ang pagguhit ng kidlat habang patuloy itong nag-aalboroto.
Batay sa impormasyon ng National Geographic, nagdudulot ng kuryente ang salpukan ng mga naghahating abo, dahilan para magkaroon ng tinatawag na volcanic lightning. Ito rin ay isang hudyat na maaring sumabog ang Bulkang Taal anumang oras.
“When the charge separation becomes too great for air to resist the flow of electricity, lightning tears through the volcanic plume to connect the positively and negatively charged particles,” saad sa website ng NatGeo.
Kagabi, itinaas sa alert level 4 ang bulkan, senyales na puwedeng magkaroon ng peligrosong pagbuga o pagsabog.
Sa huling datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 4-A, umakyat na sa 16,000 katao ang inilikas at mahigit 3,456 pamilya ang nananatili sa mga evacuation center.
Isinalalim na ngayon sa state of calamity ang buong probinsiya ng Batangas bunsod ng bagsik ng Bulkang Taal.