Tiniyak ng TikTok na ligtas ang impormasyon ng kanilang mga user matapos ang umano’y malawakang data leak mula sa sikat na social media app.
Sa pahayag na inilabas ng Tiktok, una umano nilang pinahahalagahan ang privacy at seguridad ng data ng kanilang mga user.
Kasunod ito ng social media post ng independent cyber security research team na Beehive na nagkaroon umano ng data leak o pagkalat ng impormasyon sa naturang app.
Dito ay hinikayat ng Beehive ang mga Tiktok users na magpalit kaagad ng kanilang mga password at paganahin ang 2-factor authentication setting.
Mababatid na nakapag-download umano ang isa pang cyber security group na Against the West ng aabot sa 790 gigabytes ng data mula sa mahigit dalawang bilyong user entries.
Ngunit ayon sa isang eksperto ay publicly available naman o maaaring makuha ninuman ang ilan sa mga nag-leak na impormasyon.
Sa kabila nito, nag-abiso na rin ito sa publiko na paganahin ang mas mahigpit na security measures sa mga ginagamit na social media applications.