Nagbayad na ng multa ang 33 katao na lumabag sa minimum health protocols na dumalo sa selebrasyon ng kaarawan ng eventologist at socialite na si Tim Yap.
Batay sa Baguio City – Public Information Office, umabot sa tig-P1,500 ang ibinayad na multa nina Yap, KC Concepcion, at iba pang bisita nito, kabilang na ang maybahay ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong.
P1,000 ang multa dahil sa paglabag sa hindi pagsusuot ng face mask at P500 sa hindi pagsunod sa physical distancing.
Umabot naman sa P9,000 ang multa ng The Manor Hotel na pinagdausan ng selebrasyon.
Ang P1,000 ay para sa paglabag sa Face Mask Ordinance, P3,000 sa paglabag sa Physical Distancing Ordinance, at P5,000 sa New Normal Operation for Business Establishments Ordinance.
Maliban dito, nagsumite rin ang pamunuan ng hotel ng liham sa City Permits and Licensing Division kung saan inilahad na susunod sila sa health protocols.
Bahagi ito ng requirements bago muling mag-renew ang kanilang business permit.
Una nang sinabi ni Mayor Magalong na nagkaroon ng paglabag sa naturang pagtitipon dahil may pagkakataon na nag-alis ng face mask at face shield ang mga bisita.