TIMBOG | 13 Nigerian na sangkot sa online scam – arestado

Cavite, Philippines – Arestado ang labintatlong (13) Nigerian nationals sa ikinasang entrapment operation ng Calabarzon-PNP sa Imus, Cavite.

Unang naaresto ang lider ng online scam syndicate na si Emmanuel Chinoso Nnandi alyas “Nonso” at apat niyang kasamahan.

Kwento ng complainant na si Arnel Pilapil, naging kaibigan sa Facebook ng kapatid niyang si Charissa Pilapil De Quito si Nonso na nagpakilalang miyembro ng US Army Special Forces at may ranggong major.


Nangako raw ang suspek na magpapadala siya ng 2.5-million USD sa pamamagitan ng diplomatic agent na si Mr. Evans Peter kapag nagbayad si De Quito ng “airport authority taxes” na P75, 000.

Sinabihan din daw siya nito na makakatanggap siya ng P300,000 oras na dumating na ang package, pero wala naman siyang natanggap matapos ang transaksyon.
Naaresto naman sa follow up operation ang iba pang dayuhan kasama ang isang Pinay na si Irish Pimentel Lewis, habang tinutugis ang nakatakas na si Figo Modestus.

Kinasuhan na ng syndicated estafa ang mga suspek na matagal na palang nanggogoyo gamit ang social media.

Facebook Comments