Marikina – Kalaboso ang limang katao kabilang ang tatlong mga menor de edad matapos mahulihan ng ipinagbabawal na gamot sa Barangay Tumana Marikina City.
Nakilala ang dalawang suspek na sina Joseph Naniong, 35 anyos at David Guevara, 38 anyos kasama ang tatlo pang menor de edad matapos ang operation na isinagawa ng mga operatiba ng PCP 4 na pinangungunahan ni P/Inspector Gerardo Nuestro sa Blk. 70-71 Ampalaya St., Barangay Tumana, Marikina City.
Ayon kay Police Inspector Nuestro , lumalabas na habang nag papatrolya ang mga operatiba ng nasabing presinto, napansin nila sa bintana ng bahay kung saan naroon ang mga nasabing suspek na nakaupo paikot, nakita nila na tila may sinisinghot na usok mula sa foil ang nakilalang si David habang hawak naman ng nakilalang si Joseph ang foil at isang lighter.
Agarang pinasok ng mga operatiba ng Station Drug Enforcent Unit ng Marikina Police ang nasabing bahay na nagresulta sa pagkakahuli ng mga suspek.
Nakumpiska sa kanila ang limang pakete ng pinaghihinalaang shabu, dalawang foil na may bakas ng pinaghihinalaang ipinagbabawal na gamot, dalawang disposable na lighter na kulay berde at puti at isang gunting na kulay itim.
Ang mga menor de edad na nahuli ay kasalukuyan ng nasa kostodiya ng DSWD at ang dalawa naman ay pansamantalang nakapiit sa himpilan ng marikina at nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.