Taguig City – Patung-patong na kaso ang isinampa ng Southern Police District sa pitong kalalakihan na nahulihan ng Shabu at baril habang nagkakarakruz sa Zone 7, Minipark Fort Bonifacio, Taguig City.
Kinilala ang mga suspek na sina Michael Ambasing 38 anyos, Jay-Ar Campos 26 anyos, Jerry Adlawan 25 anyos, Randy Gomez 26 anyos, Mark Buenaobra, Jimmy Castro at Mark Ambasing 26 anyos, kapwa residente ng Minipark, Fort Bonifacio, TaguigCity.
Batay sa imbestigasyon ng Taguig Police Station, nagsagawa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng PCP 7 Taguig City Police Station kung saan pitong kalalakihan ang naispatan na naglalaro ng Cara y Cruz kaya agad na inaresto ng pulisya.
Nagulat na lamang ang mga pulis ng kapkapan ang mga suspek kung saan nakuha sa kanilang mga katawan ang isang pirasong timbangan ng shabu, parapernalla, plastic sachet na may lamang shabu, kalibre .38 baril na mayroong apat na bala, tatlong pirasong tig-limang piso at mga pera na pantaya sa larong Cara y Cruz.
Kasong paglabag sa Republic Act 9165 at RA 10591 o Illegal Possession of Fire Arms ang isinampa kay Michael Ambasing habang kina Campos at Adlawan ay kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act at sina Gomez, Buenaobra, Castro at Mark Ambasing ay sinampahan naman ng kasong paglabag sa PD 1602 o Illegal Gambling.