Marikina City – Arestado sa isinagawang buy-bust operation ng mga miyembro ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) na pinangungunahan ni Police Inspector Greco Gonzales ang isang lalaking sangkot di umano sa pagtutulak ng ilegal na droga sa lungsod ng Marikina sa Herbosa Compound, Barangay Parang, Marikina City.
Kinilala ang suspek na si Michael Apolinar a.k.a Maky, 36-anyos at residente ng Barangay Parang, Marikina City na siyang target ng operasyon.
Ayon kay Police Senior Superintendent Roger Quesada Chief of Police ng Marikina PNP bago maganap ang operasyon, ay may isang impormante ang nagtungo sa opisina ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) upang isumbong ang kinasasangkutan ilegal na gawain ni Apolinar.
Nang positibong maberipika ng mga operatiba ng SDEU na sangkot nga sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot ang suspek ay agad bumuo ng isang organisadong operasyon ang mga kapulisan upang maaresto si Maky.
Sinubukang makipagtransaskyon ng isang pulis na nagpanggap bilang poseur buyer sa suspek at bumili ng pakete ng hinihinalang shabu.
Nang matagumpay na maisagawa ang plano ay agad nagbigay ng hudyat ang pulis sa kanyang mga kasamahan at doon ay agad naaresto si Apolinar.
Narekober sa suspek ang limang pakete ng hinihinalang shabu, P500 na ginamit bilang buy-bust money at isang coin purse.
Kasong paglabag sa Section 5 at Section 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act ang kasong isinampa ng mga pulis laban sa suspek.