Muling tiniyak ni House Speaker Lord Allan Velasco ang timely na pagsasabatas sa P5.024 trillion na 2022 national budget.
Kasabay ng pagtiyak na ito ay dahil inihahanda na ng Mababang Kapulungan ang pagta-transmit sa Senado ng printed copy ng inaprubahang 2022 General Appropriations Bill.
Ayon kay Velasco, sinisiguro niyang sa October 27 ay maisusumite na sa Senado ang kopya ng pinagtibay na 2022 budget ng Kamara nang sa gayon ay mabigyan ng sapat na panahon ang mga senador na aralin ang spending plan ng gobyerno sa susunod na taon.
Ipinagmalaki pa ng Speaker na ang kanilang bersyon ng budget ay makakatulong sa pagbangon ng bansa mula sa pinsalang idinulot ng COVID-19 pandemic.
Naniniwala rin ang lider ng Kamara na ang kanilang pinagtibay na budget ay tumutugon sa mga pangangailan ng mga Pilipinong humaharap ngayon sa global health crisis.
Nakapaloob sa bersyon ng Kamara sa pambansang pondo ang mga institutional amendments na nakadisenyo para palakasin ang COVID-19 response ng pamahalaan, upgrade sa assets ng Philippine Air Force (PAF) at pagpopondo sa mga State Universities and Colleges (SUCs) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Nagpasalamat naman si Velasco sa mga kongresista na bumubuo ng small committee na siyang nag-ayos ng mga amyendang isinumite ng mga miyembro ng kapulungan para makalikha ng isang makabuluhang budget sa 2022.