Iginiit ng Malacañang na importanteng maipasa sa tamang oras ang panukalang 2021 national budget.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, umaasa si Pangulong Rodrigo Duterte na maaprubahan ng mga mambabatas ang ₱4.506 trillion budget proposal lalo na at dito nakadepende ang response at recovery efforts ng pamahalaan sa COVID-19 pandemic.
“’Yan po talaga ang concern ng Presidente ngayon, hindi masyado ‘yong liderato dahil ang kinakailangan niya ay itong COVID-19 budget niya for 2021 ay maapubrahan,” ani Roque.
Sinabi ni Roque na numero unong nasa isipan ni Pangulong Duterte ang 2021 budget.
Hindi na dapat aniya mangyari na magkaroon muli ng reenacted budget lalo na at nangangailangan ng sapat na pondo para sa pagtugon sa pandemya.
“Hindi natin kaya na magkaroon na naman ng reenacted budget dahil ang budget natin sa taong nakalipas wala pa pong COviD noon. So kung mare-reenact ‘yon, mawawawala talaga ang ating COVID response,” sabi ni Roque.
Ito ang pahayag ng Palasyo matapos ibasura ng mga mambabatas ang pagbibitiw ni House Speaker Alan Peter Cayetano.