Timing ng mga pagbubunyag ni Police Col Acierto Kaugnay kay Michael Yang nakapagtataka ayon kay PNP Chief Albayalde

Ipinagtaka ni  PNP Chief Police General Oscar Albayalde ang timing ng  pagbubunyag ni dismissed Police Col  Eduardo Acierto kaugnay sa umano’y pagkakasangkot sa iligal na droga ng kaibigan ng Pangulo na si  Presidential Economic Adviser Michael Yang.

Sa kanyang pagbubunyag binanggit ni Acierto ang ilang mga personalidad na tumatakbo sa halalan kabilang si Dating PNP Chief Bato delarosa at Dating Presidential Assistant Bong Go na kapwa tumatakbong mga senador.

Giit ni Acierto, hindi inaksyunan ni Delarosa ang kanyang intel report tungkol kay Michael Yang, habang ipinakita naman nito ang mga larawan ni Bong Go at ng Pangulo na kasama si Yang.


Tanong ng PNP Chief, bakit pagkatapos ng ilang buwang pagtatago ay biglang lumutang ngayon si Acierto kung kailan panahon ng halalan.

Samantalang ibinigay na aniya ang lahat ng pagkakataon kay Acierto na magsalita sa mga Senate hearings noon pero hindi niya ibinunyag doon ang kanyang nalalaman.

Ipinahiwatig ni Albayalde na maaring may tao o grupo sa likod ng mga kilos ni Acierto, kasabay ng pahayag na sana lang ay hindi ito nagpapagamit sa ilang mga sektor.

Facebook Comments