Kinwestyon ni Senate Committee on Tourism Chairman Senator Nancy Binay ang “timing” sa paglulunsad ng Department of Tourism (DOT) ng bagong slogan para sa turismo ng bansa na “Love the Philippines”.
Ayon kay Binay, maganda naman na ipakita sa buong mundo na tayo ay nakatatayong muli sa ating mga paa at handang tumanggap ulit ng mga balikbayan at dayuhang bisita sa ating bansa.
Ikinalulugod din niya ang inisyatibo ng DOT na mapahusay pa ang marketing para sa pagsisimula ng turismo at tiwala rin ang senadora na dumaan ang slogan sa masusing pagtalakay.
Subalit, kinukwestyon ni Binay ang ‘timing’ ng paglalabas ng bagong slogan dahil kakambal nito ang napakalaking gastos para masimulan at magtuluy-tuloy ang bagong tourism campaign.
Giit pa ni Binay, sa dami ng kailangang unahin at pagkagastusan ng gobyerno ay wala tayong sapat na budget para pondohan ang nasabing re-branding pero dahil andito na ay tanggapin na lamang at umasa na ito ay gagana at magiging matagumpay.
Nauna ring sinabi ni Senator Chiz Escudero na bigyan ng pagkakataon ang bagong slogan ng bansa at umaasa siyang ikinunsidera ng ahensya at mga partner agencies ang mataas na kalidad ng isang epektibong tourism slogan.