Nakakapagtaka ang timing ng paghahain ng mga senador ng resolusyon na nananawagan ng ‘immediate resignation’ ni Health Secretary Francisco Duque III.
Ayon kay Inter-agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, kasabay kasi ng resolusyon ng mga senador ang paglutang ng mga pangalan ng umano’y dapat ipalit kay Sec. Duque bilang kalihim ng Department of Health (DOH).
Paliwanag ni Nograles, kung ang mga miyembro ng Gabinete ang tatanungin buo ang tiwala nila kay Duque dahil karamihan ng mga rekomendasyon ni Duque sa task force ay tama at posisyon din ng ilang mga eksperto.
Halimbawa na aniya ng mga rekomendasyon ni Duque ay ang pagpapatupad ng agarang Enhanced Community Quarantine (ECQ), pagpapatupad ng travel restrictions at iba pa na kung hindi agad naisakatuparan ay baka nagkatotoo ang projection ng World Health Organization (WHO) na posibleng nasa 75,000 na ang tinamaan ng COVID-19 sa Pilipinas.
Sinabi pa ni Nograles na isang decision maker si Duque na ibinabase ang kanyang pasya batay narin sa siyensya at datos.
Kahapon, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na mananatili sa pwesto si Duque dahil nasa kanya pa rin ang kanyang trust & confidence.