‘Timing’ sa planong importasyon ng sibuyas, kinukwestyon ng oposisyon sa Senado

Mariing kinukwestyon ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang ‘timing’ ng importasyon ng 21,060 metrikong tonelada ng sibuyas sa bansa.

Tutol mismo ang senador sa planong pag-aangkat ng sibuyas dahil magdudulot ito ng ‘major setback’ sa mga lokal na magsasaka.

Tanong ni Pimentel na bakit ngayon lang naisipan ng pamahalaan na mag-import ng sibuyas kung kailan papalapit na ang panahon ng anihan.


Aniya, ano ang nagpatagal para magdesisyon ang Department of Agriculture (DA) na mag-angkat ng sibuyas na maaari sanang ginawa noong ‘off season’ o hindi pa panahon ng ani ng sibuyas sa bansa.

Giit ni Pimentel, masyadong huli na kung ngayon pa lang gagawin ang importasyon ng sibuyas dahil hindi ito makabubuti para sa kabuhayan ng ating mga magsasaka at sa mga mamimili.

Hirit ni Pimentel na huwag sana tayong magpabitag sa hakbang na ito dahil tiyak na ang importasyon ay magdudulot ng pagkalugi ng mga negosyo ng mga local farmer na nakatakdang mag-ani ng locally-produced na sibuyas sa mga susunod na buwan.

Facebook Comments