Labis na ikinatuwa dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay nagsama-sama sa isang entablado ngayong panahon ng kampanya sina Partido Reporma standard-bearer Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson, running mate at Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III, at dating Information and Communications Technology Secretary Gregorio ‘Gringo’ Honasan nang bisitahin nila ang mga taga-Santa Cruz, Laguna, kahapon ng umaga.
Sina Lacson, Sotto at Honasan ay kilala bilang mga miyembro ng tinaguriang ‘Macho Bloc’ sa Senado, si Honasan ay muling kumakandidato sa pagka-senador at bahagi ng senatorial line-up ng tambalang Lacson-Sotto.
Kasama nilang nangampanya sa Laguna sina Partido Reporma senatorial candidates Dr. Minguita Padilla at retired Gen. Guillermo Eleazar.
Present din si dating Agriculture Secretary Emmanuel ‘Manny’ Piñol na kandidato rin sa pagka-senador at adopted candidate ng tambalang Lacson-Sotto.
Humarap sina Lacson-Sotto tandem kasama ang kanilang mga kandidato para sa Senado sa isang pagtitipon na dinaluhan ng mga tricycle driver at operator, gayundin ng ilang mga maliliit na negosyante, sa isang town hall meeting upang ipakilala ang mga sarili at ilahad ang kanilang mga plataporma.
Bukod kay Honasan miyembro din ng ‘Macho Bloc’ sina Senador Manuel ‘Lito’ Lapid na tahimik na tumutulong sa kampanya ng Lacson-Sotto habang si Senador Manny Pacquiao ay inampon din ng grupo pero nagdesisyong tumakbo bilang pangulo rin ngayong darating halalan.