Nakitaan ng Makati City Prosecution Office ng probable cause para sampahan ng kaso si Gwyneth Chua na tinaguriang “Poblacion girl” dahil sa paglabag nito sa mandatory quarantine protocols noong December 2021.
Paglabag sa RA 11332 na itinakda ng pamahalaan ang inirekomendang kaso ng piskalya laban kay Chua.
Si Chua ay nag-viral matapos itong lumabas sa kanyang isolation hotel sa Makati City para makipagkita at makipag-party sa kanyang mga kaibigan sa Poblacion, Makati.
Kinalaunan ay nag-positibo ito sa COVID-19.
Sabit din sa kaso na isinampa ng PNP si Esteban Gatbonton na security guard ng Berjaya Hotel kung saan nanatili si Chua mula Estados Unidos.
Hindi naman nakitaan ng probable cause para kasuhan ang iba pang mga empleyado ng naturang hotel.
Ang mga reklamo naman laban sa mga magulang ni Poblacion girl na sina Allan Dabiwong Chua at Gemma Leonordo-Chua, gayundin sa boyfriend nitong si Rico Atienza ay ibinasura ng korte dahil sa kakulangan ng ebidensiya.