Sinampahan ng reklamo ng tinaguriang “Tinang 83” sa Department of Justice (DOJ) ang isang piskal ng Tarlac.
Ayon sa ilang miyembro ng “Tinang 83”, nais nilang sampahan ng reklamong grave and misserious conduct, conduct prejudicial to the best interest of the service at iba pa ang acting Provincial Prosecutor ng Tarlac na si Mila Mae Montefalco-Ikeshita.
Matatandaang, ipinahuli at ipinakulong ang mga magsasaka at iba pang miyembro ng “Tinang 83” dahil sa umano’y pagsira nila sa tubuhan habang nagsasagawa ng land cultivation activity sa Barangay Tinang sa Concepcion, Tarlac noong Hunyo.
Ang “Tinang 83” ay sinampahan pa nang nasa pitong kaso.
Ayon kay John Lozande, ang Secretary General ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura ay nararapat lamang na ipagharap ang mga reklamo ng piskal upang magsagawa ng tamang imbestigasyon.
Apela naman nila kay DOJ Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na iutos ang pagbasura sa natitira pang limang kaso laban sa “Tinang 83” at maibalik sa kanila ang lupang pag-aari naman talaga ng mga magsasaka.
Kamakailan ay ibinasura na ng korte sa Tarlac ang kasong malicious mischief at illegal assemblies laban sa “Tinang 83” dahil sa kawalan ng ebidensya.