
Ligtas na nabawi ng mga awtoridad ang sanggol na dinukot ng nagpanggap na nurse sa loob ng ospital sa Lingayen, Pangasinan.
Idinetalye ni Edmar Carpio, kaanak ng nawawalang sanggol, ang pagsagip nila sa bata katuwang ang pulisya sa ikinasang entrapment operation kahapon, Setyembre 16.
Ani Carpio, isang account sa social media ang nagbigay ng impormasyon na nasa kanila ang bata at agad naman na naglatag ng plano ang mga awtoridad.
Isang kamag-anak ng pamilya ang nagkunwaring kukuha sa bata, kasama ang isang babaeng intelligence personnel na nagpanggap ding kaanak.
Kasunod nito, limang pulis ang nakapuwesto upang arestuhin ang suspek matapos maisakay ang bata.
Dakong 10:30 ng umaga, nakarating ang grupo sa itinakdang lugar at bandang tanghali nakapasok sa bahay ng suspek.
Naging daan naman ang panayam ng iFM Dagupan sa kanilang kaanak upang maipalaganap ang impormasyon at maisulong ang mabilis na aksyon.
Matapos ang matagumpay na operasyon, ipinaalala ng pamilya na wala silang ginawa o gagawin na ikapapahamak ng kanilang mga mahal sa buhay at ipinagpasalamat ang mabilis na tugon ng mga awtoridad.
Haharap naman sa kasong kidnapping ang suspek.









