TINANGGI | Rice shortage, pinabulaanan ng NFA sa Kamara

Manila, Philippines – Nilinaw ng National Food Authority (NFA) sa pagdinig ng House Committee on Food and Agriculture na walang rice shortage ngayon sa bansa.

Kaugnay nito ay sinimulan na sa Kamara ang pagdinig sa kakulangan ng suplay ng bigas sa NFA.

Agad na iginiit dito ni NFA Administrator Jason Aquino ang paglilinaw na walang rice shortage sa bansa sa kasalukuyan kundi ang mayroon lamang ay kawalan ng abot kayang bigas na mabibili ng mga mahihirap.


Giit pa ng NFA na noong nakaraang taon pa sila nagbabala sa kakulangan ng suplay ng abot kayang bigas pero ang hiling na replenishments mula Oktubre hanggang Disyembre pati Enero ngayong taon ay hindi inaprubahan.

Hinamon ni Aquino na pangalanan para makasuhan ang mga kasabwat sa rice cartel na siyang dahilan ng kawalan ng murang bigas sa merkado.
Ipinaalala pa nito na hindi dapat pinaglalaruan at pinag-eeksperimentuhan ang sikmura ng taumbayan.

Ilang kongresista na rin ang nagreklamo na wala nang murang NFA rice na ibinebenta sa mga tindahan.

Humarap din dito sa pagdinig sina Agriculture Sec. Manny Piñol, mga kinatawan ng iba pang ahensiya ng gaya ng PNP, NBI, Landbank at office of the cabinet Secretary gayundin ang NEDA at NGO na Laban Konsyumer Inc.

Facebook Comments